Walang Hanggang Pag-ibig

chem

Gerry Marcelo

Inibig Ko kayo ng walang hanggang pag-ibig. Sa kagandahang-loob Ko, pinalapit Ko kayo sa akin. – ‭‭Jeremias‬ ‭31:3‬ ‭

Ako si Gerry Marcelo, 57 na taong gulang, byudo; may apat na anak.

Lumaki ako sa hirap. Gayon pa man, sa aking pagbibinata ay naranasan ko halos lahat ng uri ng layaw at kalokohan sa buhay.

Binatilyo pa lang ako ay puro kalokohan at barkada na ang inatupag ko. Inaabot kami ng mga kaibigan ko sa kalsada ng hanggang madaling araw.

Kapag may fiesta sa lugar namin ay kaming kabataan ang may hawak ng pondo dahil ang aming grupo ang taga-asikaso ng mga palaro. Hindi namin binibigay lahat ng perang aming nalikom.  Kinukupit namin yung iba at ginagamit para sa pangsariling bisyo gaya ng bawal na gamot, sugal, alak at kung ano pa.

Ako din ay nasangkot sa mga awayan sa lugar namin. Minsan ay may isang papasok sa trabaho sa pabrikang malapit sa amin na masama ang tingin sa akin. Hindi ko nagustuhan yung tingin niya kaya’t inaway at binugbog ko. Na-ospital ang kawawang mama ngunit hindi nagsampa ng kaso laban sa akin dahil pinagbantaan ko pa na bubugbugin ko ulit siya kung magsumbong siya.  Ganon po ako kabarumbado noon.

Ako ay kinasal noong 1983.  Pinagpala kami ng aking asawa ng apat na anak. Dalawang babae at dalawang lalaki. Kahit may asawa na, pinagpatuloy ko pa rin ang buhay binata. Lagi ko pa rin kasama ang aking mga kabarkada. Maghapon sa sabungan, mahjong, at madalas natatalo sa sugal kaya walang pera pag-uwi sa bahay. Nililihim ko sa misis ko ang aking panalo at puro talo sa sugal lang ang sinasabi ko.  Madalas namin pag-awayan ito. Nais niya na siya ang samahan ko nang mas madalas kaysa sa mga kaibigan ko.

Masasabi ko na ang buhay ay parang gulong lamang.  Minsan nasa ibaba, minsan nasa itaas.

Sa aming buhay pamilya, naranasan naming na ang aming gulong ay nasa ibaba. Subalit, hindi kami nawalan ng pag-asang makabangon muli.  Noong unang nangyari na malugi kami sa aming hanapbuhay, nagtanong ako sa Panginoon kung bakit Niya pinahintulutan ito.  Wala naman akong nilalamangan o inaapakang ibang tao pagdating sa negosyo pero bakit Niya ako pinabayaang malugi sa aking hanapbuhay?  May sumbat pa na bakit yung ibang kakilala ko na mandaraya at nanlalamang sa kapwa ang siya pang patuloy ang paglago ng kanilang negosyo. Hindi yata makatarungan yun.

Payo ng isang kaibigan sa akin, wala akong karapatang magtanong, manumbat, ni umusig sa Panginoon. Imbis na magreklamo sa Diyos, mas mabuti pang humingi na lang ako ng awa at biyaya sa Kanya.

Dahil na rin sa pagkakaisa ng aking pamilya, suporta ng mga kaibigan at sa pagtitiyaga naming mag-asawa na makabangon muli, kami ay nakapagtatag ulit ng panibagong negosyo.

At dahil umangat na ulit sa pamumuhay, bumalik muli ang kalokohan ko sa buhay. Lumalabas kami ng mga kumpare ko, at ako pa ang taya sa gastos. Pinapayagan ako ng aking asawa umalis dahil ang paalam ko ay magbabakasyon lang kaming magkukumpare.  Hindi niya alam na doon kami gumagawa ng mga kalokohan.

Maunlad ang negosyo ko. Nasusustentuhan ko nang mabuti ang aking pamilya. Nakakatulong pa ako sa aking mga kaibigan at kamag-anak na nangangailangan.

Kayang-kaya ko bilhin lahat ng pangangailangan at maging kagustuhan ng aking asawa at mga anak. Kayang-kaya ko rin bilhin ang aliw. Sa kasagsagan ng aking negosyo, nagkaroon ako ng relasyon sa labas ng kasal habang panatag ang loob ng misis ko na barkada ko ang aking kasama tuwing umaalis ako.  Ang hindi niya alam, ibang babae ang aking kasama.

Sa hindi inaasahang pangyayari, biglang natigil ang aking negosyo dahil sa mga maling akusasyon laban sa akin. Nawala ang negosyo ko dahil sa mga maling bintang sa akin na nagpabago sa takbo ng aking buhay.  Ipokrito naman ako kung hindi ko aamining nagalit ako sa mga taong nanira sa akin, sila na naging dahilan ng pagkawala ng aking hanapbuhay at pinagkakakitaang negosyo. Siyam na taon kong dala-dala ko ang galit, tampo at pagkamuhi na iyon.

Naging madalas ang pagkikita namin ng karelasyon ko dahil wala na akong negosyong pinagkakaabalahan, hanggang sa mahuli ako ng misis ko. Pati panganay kong anak ay nagalit sa akin.  Nais kong magpaliwanag ngunit hindi maatim ng aking anak na ako’y kausapin sa sobrang galit. Binigyan niya ako ng isang liham. Sa pamamagitan ng liham na iyon, ipinahayag ng aking panganay ang kanyang saloobin – na pinapatawad niya ako sa pagtataksil sa kanyang ina at sa kanilang magkakapatid, at pinagdarasal niya ako.  Ayaw niya akong kausapin dahil baka may masabi siyang masasakit na salita na hindi na niya mababawi, kaya’t gumawa na lamang siya ng isang liham. Nang mabasa ko ang kanyang liham, ako ay nanliit at nagsisi sa aking mga nagawang kasalanan. Humanga rin ako sa aking panganay na anak na noong panahong iyon ay nagpamalas ng pagpapatawad at pag-unawa.  Saan niya nakuha ang kakayahang magpatawad?  Noong panahong iyon ay miyembro na siya ng Living Hope Community.

Nagpasya akong magbagong buhay, magpakabuting asawa at ama sa aking pamilya at humingi ng tawad sa kanila. Ngunit sa sobrang sama ng loob ko sa mga nanira sa akin, hindi ako lumabas ng bahay nang halos anim na buwan.  Nawala ang sigla ng buhay ko.  Gusto ko man bumawi sa aking pamilya, hindi ko naman sila kayang ilabas.  Hindi ko na kayang bilhin o ibigay ang kanilang kagustuhan.

Sinikap kong bumangon muli. Nasa ilalim man ulit ako ng gulong ng kapalaran, hindi ko na sinisi ang Diyos sa aking kamalasan. Di na ako nanumbat. Naisip ko, siguro may dahilan ang Panginoon kung bakit Niya pinahintulutang mangyari ito sa akin, sa amin. Siguro nais Niyang kumapit kami sa Kanya at hindi sa kayamanan.  Itinuon ko ang aking oras sa aking asawa at mga anak, at sa kaunting nalalaman ko tungkol sa aking pananampalataya.

Kung kailan naging maayos na ulit ang aming pagsasama ng aking asawa at mga anak, isang malaking pagsubok sa aking katatagan at pananalig sa Diyos ang dumagok sa akin. Oktubre 27, 2010 nang ang aking minamahal na asawang si Dorothy ay nagka-aneurysm sanhi ng matinding high blood pressure.  Pumutok ang kanyang dalawang ugat papunta sa kanyang utak at siya ay na-coma. Nasaksihan ko ang matinding pananampalataya sa Diyos ng aking panganay na si Louie noong panahong iyon. Pinagdasal niya ang kanyang ina ng walang tigil at pinagdasal niya ako na manatiling matatag para sa aming pamilya.

Hindi na kayang operahan pa sa ulo ang aking asawa dahil mababa ang kanyang “level of consciousness”. Naka-“life support” na lamang si Dorothy. Operahan man siya, “vegetable state” lang din ang kanyang magiging kalagayan.  Nagdasal ako. Ang pakiusap ko sa Diyos, kung anuman ang Kanyang kagustuhan sa kalagayan ng aking maybahay, ipinapaubaya ko na sa Kanya. Sundin ang loob Mo, Ama.  Masakit man sa loob ko, alam kong hindi pababayaan ng Diyos ang aking asawa at mga anak. Nanalig ako na hindi Niya ako bibigyan ng pagsubok na hindi ko malalampasan.  Pagkalipas ng 39 na oras na comatose, pumanaw ang aking asawang si Dorothy.  Ipinaubaya ko na si Dorothy sa Panginoon at sinimulan ang aking paghilom.

Makalipas ang apat na taon, Inimbitahan ako ng aking dalawang anak na dumalo sa retreat ng kanilang community, Living Hope Community. Dito sa retreat na ito, mas lumawak ang aking pananaw sa pananampalataya. Walang huli sa Panginoon. Kahit sa tanda kong ito, nabigyan pa rin ako ng pagkakataong makilala ang Diyos at ang Kanyang Salita nang mas mabuti at nang mas malalim.

Dito ko rin natutunan at naisabuhay ang kapatawaran. Nakita at nadama ko ang liwanag na pumasok sa aking puso. Tinanggap at binigay ko ang pagpapatawad at inalis ko ang galit na naghari sa aking puso nang halos siyam na taon na may kaugnayan sa pagkasira ng aking kabuhayan.

Anong sarap pala ng pakiramdam kapag wala ka nang iniisip o iniintinding galit na nangingibabaw sa kalooban mo kapag ikaw ay nakapagpatawad!  Basta alam ko na ang ginagawa ko ay tama at naaayon sa kalooban ng Diyos, ay hindi ko alintana ang anumang pagsubok o problemang aking hinaharap.

Bilang byudong ama, ang iniisip ko lang naman ay mabigyan ng magandang kinabukasan ang aking mga anak.  Dahil sa pagsali sa community na ito, namulat ang aking mga mata sa katapatan ng Diyos, kahit noong panahon na hindi ako tapat sa Kanya, at sa mga panahong nasa ilalim ako ng gulong ng kapalaran. Kahit wala akong matinong trabaho o pinagkakakitaan, sa awa ng Diyos, nasusustentuhan ko pa rin ang aking pamilya.  Hindi kami nagkulang o nagutom. Sapat lang lahat.  Hindi ko ito nalalaman at hindi ko ito nakikita hanggang nagsimula akong magbasa ng Salita ng Diyos at intindihin ang Kanyang mensahe sa tulong ng community.  Natutunan kong magpasalamat sa Diyos.

At dahil rin sa Living Hope community, nagkaroon ako ng “support group”.  Ako ay bahagi na ngayon ng “single parents and separated individuals pastoral ministry”.  Laking pasasalamat ko sa aking kapwa “single parents” sa kanilang pakikisama, pag-gabay, pag-unawa, tulong at dasal.  Mahirap palinawagan at turuan ang matanda na tulad ko pero andiyan pa rin sila para sa akin.

Salamat rin sa aking dalawang anak na sina Louie and Geejay. Sila ang nag-imbita sa akin at sa kanilang dalawang nakababatang kapatid sa Living Hope Community.  Lumalawak ang aking kaalaman at lumalalim ang aking pag-ibig para sa Diyos tuwing dumadalo ako sa prayer meeting at bible study linggo-linggo.  Nakikita ko at nadarama ang pagbabago sa aking buhay.  Ang aking karanasan ay patunay na hindi pa huli ang lahat. May awa ang Diyos. Huli ko man Siyang inibig, matagal na Niya akong minamahal. At dito ko natutunan na sa lahat ng bagay, gumagawa ang Diyos para sa ikabubuti ng mga umiibig sa Kanya, na kanyang tinawag ayon sa Kanyang layunin.

Panalangin ko rin ang sambit ni San Agustin: “Huli na nang ikaw ay aking ibigin. O kagandahang sa pasimula pa at hanggang ngayon ay walang pagkupas, huli na nang ikaw ay aking ibigin. Ikaw na nasa aking kalooban, ngunit ako’y nasa labas at doo’y hinahanap ka. Sa aking kawalan ng pag-ibig ako ay nalugmok sa magagandang bagay na Iyong nilikha. Sumasaakin ka ngunit ako ay wala sa Iyo. Ang mga nilikhang bagay ang naglayo sa akin sa Iyo, ngunit dahil sa Iyo kaya sila umiiral. Tinawag Mo ako, ikaw ay sumigaw at pinaram ang aking pagkabingi. Nagliwanag ka, nagningning at pinawi ang aking pagkabulag. Inihinga Mo sa akin ang iyong kabanguhan at ngayong aking nalanghap, patuloy kitang hinahanap sa aking paghinga. Ngayong Ikaw ay aking nalasap, ako’y lalong nagutom at nauhaw pa. Hinaplos Mo at ngayo’y nag-aalab sa Iyong kapayapaan.”

Share this:
This entry was posted in September 2016, TESTIMONY 2016, Witness and tagged , , , , , , , . Bookmark the permalink.

One Response to Walang Hanggang Pag-ibig

  1. Marjorie Mendoza says:

    Maraming salamat po, Mang Gerry. Tunay na kapupulutan po ng inspirasyon at aral ang inyong kwento. God bless you more.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

You may use these HTML tags and attributes: <a href="" title=""> <abbr title=""> <acronym title=""> <b> <blockquote cite=""> <cite> <code> <del datetime=""> <em> <i> <q cite=""> <s> <strike> <strong>