Ang Dating Bulag at Manhid

jiro

Jiro Bote

Huwag ninyong tularan ang mga pag-uugali ng mga tao sa mundong ito. Hayaan ninyong baguhin kayo ng Dios sa pamamagitan ng pagbabago ng inyong mga isip, para malaman ninyo ang kalooban ng Dios – kung ano ang mabuti, ganap, at kalugod-lugod sa kanyang paningin. – ‭‭Roma 12:2 ‭‭

Ako si Jiro. 23 taong gulang na ako ngunit masasabi ko na ngayon ko pa lamang lubusang nakakapiling ang ating Diyos. Hindi naman sa dati akong hindi naniniwala sa Kaniya. Akin ngang masasabi na alam kong nariyan lamang Siya kahit noong musmos pa lamang ako. Maaaring dahil ito sa matinding pananampalatayang nakita ko sa aking mga magulang at kapamilya habang nagbibinata ako. Maaaring dahil din ito sa mga turong natutunan ko noong nag-aaral pa ako sa aking Katolikong paaralan. Sa katunayan nga, palagi naman ako nagsisimba tuwing linggo kasama ang pamilya ko at gabi-gabi rin akong nagdarasal bago matulog. Pinagdiriwang ko rin ang Kaniyang mga kapistahan. Kapag kinakailangan ko Siya, pinapaalam ko sa Kaniya sa pamamagitan ng aking mga dasal. Kapag may nais akong makamit, hinihiling ko ang Kaniyang tulong. Ilang halimbawa na nito ay noong ipinagdarasal ko na makapasok ako sa Ateneo De Manila. Habang lumalaki, pinangarap ko nang makapasok sa nasabing paaralan at alam kong kailangan ko ang tulong niya upang magawa ito. Sa madaling salita, alam ko namang nariyan talaga Siya kahit na ako’y bata pa lamang.

Inakala kong sapat na ang mga ito upang lubusang mapapalapit ako sa Kaniya ngunit tinulungan ako ng isa sa pinakamalapit ko na kaibigan na makita ang katotohanan na hindi ako malapit sa Kaniya. “Nasaan ba ang Diyos para sa’yo? Sa totoo lang, hindi ko Siya makita sa buhay mo eh.” Akin pang dinahilan sa sarili ko na naniniwala naman akong nariyan Siya ngunit napagtantuhan ko na hindi kailanman magiging sapat ang paniniwalang iyon sa pagpapalalim ng aking relasyon sa Kaniya. Hindi nagtagal, inamin ko rin sa sarili ko na nawalay ako sa Kaniya. Na dahil sa tukso ng ating mga pagnanasang pangdaigdig, nalimutan ko Siya. Nang dahil sa kasalanan, unti-unti akong nawalay sa Kaniya. Napansin ko na lumalapit lamang ako sa Kaniya kapag malungkot o naghihirap ako. Na hinahanap-hanap ko lamang Siya kapag nalalagay ako sa alanganin o isang estado ng kadiliman. Kumbaga, naalala ko lamang Siya kapag may kailangan ako sa Kaniya. Pagdating naman ng mga panahong masaya at nagagalak ako, hindi ko na siya pinagtutuonan ng pansin. Sa madaling salita, nawawala na sa litrato ang Diyos kapag nakararamdam ako ng kaginhawaan sa buhay ko. Siguro dala rin ito ng pagiging manhid at bulag ko sa Kaniyang pagmemeron sa aking buhay.

Hindi ko malilimutan ang kaisipang nagbunga sa tanong ng kaibigan ko. Ang kaisipang ito ang nag-udyak sa akin na pagmunihan ng mabuti ang buhay ko pati narin ang aking pakikipag-ugnayan sa Kaniya. Ito rin ang muling nagbigay sa akin ng pagnanasa na makabalik sa Kaniyang piling. Ikinatutuwa ko rin na ito ang nagtulak sa akin na pumunta sa Road to Damascus retreat ng Living Hope (LH). Sa pagpunta sa retreat na iyon, itinanim ko na sa isipan ko na hindi magiging madali ang aking paglalakbay pabalik sa Kaniya. Alam kong sasalubungin ako ng napakaraming problema at tukso na magtutulak sa akin palayo sa Kaniya. At hindi ako nagkamali. Maraming pagkakataon upang mapapalapit sa Diyos ang inihahandog ng LH sa mga kasapi nito at mayroon din namang mga katumbas na balakid ang mga pagkakataong ito. Napansin ko na napakaraming maaaring maging dahilan ng hindi ko pagpunta sa mga gawain o kaganapang inihahanda ng LH. Isa nang halimbawa ang aking trabaho bilang isang balakid.  Noong bago pa lamang ako sa LH, may mga panahong nagdadalawang isip pa akong pumunta sa mga kaganapan ng komunidad dahil ninanais kong makapagpahinga sapagkat nakaranas ako ng isang nakapapagod na linggo sa trabaho. May mga panahon ding nagiging balakid ang mga opisyal na pagtitipon sa opisina sapagkat nagkakataong sakto ang oras nito sa ilang aktibidad ng LH. Kumbaga laging mayroong pwedeng maging dahilan kung bakit hindi ako maaaring pumunta. Ngunit sa tulong ng mga natutunang kong kaalaman ukol sa Diyos, isa-isang nawala ang mga balakid na ito.

Sa panahon ko sa LH, marahil hindi pa ito ganoon katagal, marami na akong natutunang mga aral. Maging pangbuhay man ito o tungkol sa ating Diyos. Isa sa hindi ko malilimutang aral o kaalaman ay ang kaisipang “Ang Diyos ay laging magbibigay.” O sa wikang Ingles, “God will always provide.” Paborito ko ito sapagkat isa ito sa mga kaisipang araw-araw kong nasasaksihan sa aking buhay. Napakaraming suliranin ang sumusulpot sa aking mga buhay ngunit sa tuwing humihingi ako ng tulong sa Kaniya, isa-isa ring nalulutas ang mga problemang ito. Dito ko muling naaalala kung gaano kagaling at makapangyarihan ang ating Diyos. Muli ko ring naalala kung gaano kaginhawa ng buhay ko ng dahil sa Kaniya. Na nariyan lamang Siya kapag kinakailangan natin ang tulong Niya. Ipinaramdam sa akin ng mga alaalang ito ang kagalakan sapagkat lubos akong nasisiyahan at nagpapasalamat para sa mga biyayang ipinagkaloob Niya sa akin.

Muli kong naramdaman ang piling Niya sa unti-unting kong pagbabalik-loob sa Kaniya. Napansin ko na Siya na muli ang naging sentro ng aking buhay. Sa muling pagsunod ko sa Kaniya, natututunan ko nang labanan ang mga makamundong pagnanasa ko. Napansin ko rin na muli ko nang inaalay sa Kaniya ang lahat ng ginagawa ko at iniisip ko muna bago kumilos kung ikatutuwa ba Niya ang aking gagawin. Sa puntong ito ng buhay ko, muli ko nang masasabi na muli ko nang kapiling ko ang Diyos. Masasabi ko rin na hindi ko na Siya malilimutan sapagkat nagpakilala ulit Siya sa akin. Ang muling pagpapakilalang ito ay nagbunga sa aking pinalalim na pananampalataya sa Kaniya pati narin sa matinding pagnanasang pagsilbihan Siya. Hindi na tulad ng dati ang aking pakikipag-ugnayan sa Kaniya sapagkat Siya’y aking naaalala maging masaya man o malungkot ako. Hindi rin maipagkakaila ang kagalakang aking nararamdaman sapagkat damang dama ko ang Diyos sa aking buhay ngayon.

Share this:
This entry was posted in December 2016, TESTIMONY 2016, Witness and tagged , , , , , . Bookmark the permalink.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

You may use these HTML tags and attributes: <a href="" title=""> <abbr title=""> <acronym title=""> <b> <blockquote cite=""> <cite> <code> <del datetime=""> <em> <i> <q cite=""> <s> <strike> <strong>